MANILA, Philippines – Hihilingin ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapatupad ng freeze orders sa mga ari-arian nina dating Sen. Nancy Binay, Ako Bicol Rep. Zaldy Co, dating Senate President Francis “Chiz” Escudero, at dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y kickbacks mula sa maanomalyang flood control projects, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes.
Kasama rin sila sa ilalagay sa Immigration Lookout Bulletin Order matapos silang idawit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senado.
“Nadagdag na sila sa request for freeze orders. At saka ILBO,” ani Remulla. “We will have to protect the interest of the state… wala tayong sisinuhin dito.”
Sinabi rin ni Remulla na posibleng mapasailalim sa Witness Protection Program si Orly Guteza, na nagpatotoo na nag-deliver siya ng maleta ng pera sa bahay ni Romualdez. Nilinaw niyang hindi pa naihahain ang request ngunit “malapit na itong gawin.”
Inirekomenda na rin ng NBI ang pagsasampa ng kasong malversation at indirect bribery laban sa mga idinawit ni Bernardo, kabilang sina Escudero, Binay, Co, dating Senador Bong Revilla, at Education Undersecretary Trygve Olaivar. Mariing itinanggi ng lahat ang mga paratang.
Mariin namang pinabulaanan ni Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang alegasyon. Tinawag niya itong “an outright and complete fabrication” at “product of coaching.” Giit niya, hindi siya kailanman nakatanggap ng kickbacks at mali ang testimonya dahil under renovation ang kanyang bahay sa McKinley sa mga panahong binanggit.
“Falsus in uno, falsus in omnibus—false in one thing, false in everything,” wika ni Romualdez, na nangakong lalaban sa kaso. RNT