Home NATIONWIDE Pamahalaan nangako ng buong suporta sa OFW na nasa death row sa...

Pamahalaan nangako ng buong suporta sa OFW na nasa death row sa Kuwait

361
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko na ginagamit na ang lahat ng legal, diplomatic, at humanitarian na paraan para ipagtanggol ang karapatan ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na nahatulan ng kamatayan dahil sa pagkamatay ng anak ng kanyang amo.

Sinabi ng DMW na ang abogadong humahawak sa kaso ay ginagawa na ang lahat ng legal na posibilidad sa ilalim ng batas ng Kuwait, kabilang ang paghahain ng apela sa ngalan ng OFW.

Ayon pa sa DMW, iginagalang nito ang batas ng Kuwait ngunit malinaw ang mandato ng pamahalaan na ipagtanggol ang karapatan at dignidad ng bawat Pilipino.

Noong huling bahagi ng Disyembre 2024, inaresto ng Criminal Investigation Department ng Kuwait ang isang Pinay na domestic worker sa Sabah Al-Salem matapos ang pagkamatay ng 18-buwang gulang na anak ng kanyang amo.

Inilagay umano ng Filipino domestic helper ang batang Kuwaiti sa loob ng washing machine sa tirahan ng kanyang amo.

Isinugod ng mga magulang ang kanilang anak nang marinig ang kanyang mga sigaw at dinala sa ospital, kung saan idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa ulat mula sa Gulf News, hinatulan ng kamatayan ng korte ng Kuwait ang OFW noong Miyerkules.

Sinabi ng DMW na patuloy na binabantayan ng Philippine Embassy sa Kuwait ang kalagayan ng manggagawang Pilipino upang matiyak na igagalang ang kanyang mga karapatan.

Idinagdag nito na tinutulungan ng ahensya ang pamilya ng OFW, partikular ang kanyang mga anak.

Habang kinikilala ang bigat ng kaso, binigyang-diin ng DMW na ang insidente ay dapat ituring na isolated at hindi sumasalamin sa halaga ng mahigit 220,000 OFW sa Kuwait, kung saan ang karamihan ay nagtatrabaho bilang domestic helpers. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here