Home METRO 5 kababaihan nakaligtas sa human trafficking sa Tawi-Tawi

5 kababaihan nakaligtas sa human trafficking sa Tawi-Tawi

310
0

ZAMBOANGA CITY, Philippines – Nasagip ang limang kababaihan sa kamay ng mga human traffickers sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad sa Sanga-Sanga Airport sa Bongao, Tawi-Tawi nitong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Lt. Col. Jeseryl Dela Cruz, hepe ng 1st Special Operations Unit-Maritime Group (1SOU-MG), nasagip ang mga biktima bandang 12:30 ng tanghali matapos silang makatanggap ng ulat bandang 8:50 a.m. hinggil sa grupo ng kababaihang bumiyahe mula Maynila patungong Cotabato, na may connecting flight papuntang Tawi-Tawi.

“Agad na nagtungo ang joint team sa Sanga-Sanga Airport at nagsagawa ng beripikasyon at profiling sa mga pinaghihinalaang biktima,” ani Dela Cruz. “Ang kanilang kilos at galaw ay nagdulot ng hinala na posibleng sila ay biktima ng human trafficking.”

Sa imbestigasyon ng Local Committee Against Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC), lumabas na ilegal na nirekrut ang mga kababaihan at pinangakuan ng mataas na sahod sa Thailand sa pamamagitan ng “backdoor route” mula Tawi-Tawi.

Dinala ang limang nasagip na kababaihan sa himpilan ng 1SOU-MG para sa dokumentasyon at kalaunan ay itinurn-over sa Ministry of Social Services and Development (MSSD)-Bongao para sa nararapat na tulong at pangangalaga.

Dagdag ni Dela Cruz, ang matagumpay na operasyon, na sinuportahan ng iba pang yunit ng pulisya at militar, ay patunay ng matibay na pagtutulungan ng PNP Maritime Group at mga katuwang na ahensya sa kanilang kampanya laban sa human trafficking. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here