MANILA, Philippines – Mas madali nang maa-access ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) ang kanilang digital ID at ilang serbisyo matapos makipagtulungan ang ahensya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para isama ang mga ito sa eGovPH app.
Nilagdaan nina DICT Secretary Robert Joseph de Claro at SSS President at CEO Victor Alfonso Limlingan ang data-sharing agreement noong Oktubre 21 sa Quezon City.
Sa ilalim ng partnership, isasama sa eGovPH superapp ang digital version ng MySSS Card at ilang pangunahing serbisyo para sa mga miyembro.
Kapag nakumpleto ang integration, maaaring makita ng SSS members sa eGovPH app ang digital representation ng kanilang MySSS Card bilang isa sa kanilang available government IDs.
Maaari rin nilang tingnan ang kanilang contribution history, kabuuang bilang ng contributions, pinakahuling membership type at impormasyon tungkol sa kanilang most recent employer.
“This partnership marks a major step in making SSS services more accessible and convenient for our members,” ani Limlingan.
Ayon sa SSS chief, layunin ng hakbang na hindi na kailangang gumamit ng maraming aplikasyon o pumunta sa iba’t ibang tanggapan ang mga miyembro para lamang makakuha ng basic services.
Sa pamamagitan ng eGovPH app, maaari nilang ma-check sa iisang platform ang kanilang contributions, membership status at MySSS Card.
Sinabi rin ng SSS na bahagi ang partnership ng mas malawak na pagsisikap na pag-isahin at gawing mas mabilis at accessible ang digital government services sa bansa. RNT