MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Setyembre 27, na ipagpapatuloy pa rin sa 2026 ang P300 bilyong inilaan para sa flood control projects ngayong taon ngunit lalagyan ng kaukulang pag-iingat.
“So, tuloy-tuloy pa rin ang magiging flood control project hanggang sa susunod na taon at mayroon naman tayo na ia-approve na flood control project. Basta’t nakita natin ay maayos ang proposal, maayos ang program of work, maayos ang completion, may acceptance ng local government. That’s the new factor that we put in,” sinabi ni Marcos sa kanyang pagbisita sa Cagayan.
Ani Marcos, sisiguruhin ng administrasyon na ang pondo ay gagamitin nang maayos at para sa kapakanan ng mga Filipino.
“Titiyakin po natin na hindi na po mauulit ‘yung ating nakita. Titiyakin po natin na bawat sentimo na pera ninyo – hindi namin pera ito, pera ninyo na ibinahagi ninyo sa mga opisyal ng pamahalaan,” dagdag ng Pangulo.
“Kami po ay kung tawagin ay ‘custodian’ lang, tiga-bantay lang kami sa pera ninyo. Hindi amin ‘yan. Sa inyo pa rin ‘yan.”
Ipinag-utos ni Marcos ang paglilipat ng P255.5 bilyong orihinal na inilaan para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa priority programs ng ibang ahensya ng pamahalaan. RNT/JGC