Home NATIONWIDE Terorista tigok sa buy-bust ops

Terorista tigok sa buy-bust ops

262
0

MAGUINDANAO DEL SUR – Patay ang isang terorista na kasapi ng Dawlah Islamiyah na sangkot sa mga kasong pagpatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation nitong Lunes sa bayan ng Rajah Buayan.

Kinilala ng Rajah Buayan PNP ang suspek na si Moner Usman, nasa hustong gulang, taga-Sultan Barongis, at umano’y kasapi ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah – Hassan Group.

Ayon kay Capt. Joel Lebrilla, hepe ng Rajah Buayan Police, bandang alas-4:00 ng hapon noong Setyembre 29, 2025, naganap ang engkuwentro sa Barangay Sapakan ng nasabing bayan.

Sinabi ni Lebrilla na katuwang ang PNP-SAF at iba pang yunit sa isinagawang buy-bust operation kasunod ng pagsisilbi ng arrest warrant nang bigla na lamang silang paputukan ng suspek.

Gumanti ng putok ang mga pulis na tumagal ng ilang minutong palitan ng putok, na nagresulta sa pagkamatay ng suspek. Nasugatan naman si SAF trooper PCPL Jeric Dela Cruz at agad itong nilapatan ng lunas.

Nakuha sa suspek ang baril, bala at hinihinalang shabu.

Si Usman ay mayroong anim na standing warrant of arrest sa korte, kabilang ang dalawang bilang ng murder, kasong carnapping, at tatlong bilang ng frustrated murder.

/Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here