MANILA, Philippines – Iniulat ng PAGASA nitong Martes na tatlong dam sa Luzon — Ambuklao at Binga sa Benguet, at Magat sa Ifugao at Isabela — ay may mga bukas pang gate upang magpakawala ng tubig.
Alas-8 ng umaga, may isang gate na bukas ang Ambuklao sa 0.5 metro at naglalabas ng 85.60 cms, habang nasa 751.01 metro ang water level nito, malapit sa 752-meter spilling level. May isang gate ding bukas ang Binga sa 0.3 metro na naglalabas ng 71.83 cms, at may water level na 574.75 metro, halos katumbas ng 575-meter spilling level.
Samantala, patuloy na naglalabas ang Magat Dam ng 490.72 cms ng tubig mula sa 1-metron bukas na gate, at may water level na 183.28 metro, ilang metro pa sa ibaba ng 190-meter spilling level.
Ayon sa PAGASA, ang easterlies ay magdadala ng maulap na kalangitan at pulu-pulong pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa. Santi Celario