MANILA, Philippines – Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes na 3,537,686 katao o 936,566 pamilya ang naapektuhan sa buong bansa ng Habagat at ng mga bagyong Mirasol, Nando, at Opong.
Sa kabuuan, 105,611 katao ang nasa evacuation centers, habang 82,947 naman ang nakikituloy sa ibang lugar. Pinakamarami ang naapektuhan sa Bicol (1.29M), BARMM (519K), at Western Visayas (461K).
Nagdulot ang masamang panahon ng pagbaha, storm surge, landslide, buhawi, pagguho ng istruktura, at aksidente.
Nananatili sa 27 ang bilang ng mga nasawi, apat dito ang nakumpirma. Labing-anim ang nawawala at 33 ang sugatan. Umabot sa ₱1.01 bilyon ang pinsala sa agrikultura at ₱979.6 milyon sa imprastruktura. Mahigit 21,000 bahay ang nasira, at 50 kalsada at 14 tulay ang hindi pa madaanan.
Nagkaroon din ng aberya sa kuryente, tubig, at komunikasyon sa iba’t ibang probinsya.
Apektado rin ang transportasyon, kung saan 2,606 pasahero at 928 rolling cargoes ang na-stranded sa mga pantalan. Kanselado ang klase sa 1,156 lugar at trabaho sa 915 lugar.
Idineklara ang state of calamity sa Pagudpud (Ilocos Norte), Cagayan, Masbate, Ibajay (Aklan), at Pagalungan (Maguindanao del Sur).
Umabot na sa ₱204.7 milyon ang naipamigay na ayuda. Santi Celario