MANILA, Philippines – Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na dinala sa ospital si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy noong Setyembre 11 matapos mahirapang huminga.
Ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Bustinera, si Quiboloy na nakakulong sa Pasig City Jail ay na-diagnose na may community-acquired pneumonia (moderate risk). Agad itong iniulat sa Pasig Regional Trial Court na humahawak ng kanyang kaso, at noong Setyembre 15 naglabas ito ng kautusan na pinapayagan ang kanyang pagpapagamot.
“As of September 30, stable na siya at nagpapagaling sa isang pampublikong ospital,” ayon kay Bustinera.
Noong Enero ay naospital din si Quiboloy dahil sa pneumonia at ibinalik sa kulungan noong Pebrero. Kasalukuyan siyang nahaharap sa kasong qualified human trafficking na walang piyansa, pati na sa child abuse at exploitation charges. RNT