MANILA, Philippines – Naitala ng Lalawigan ng Biliran ang 10 nasawi dahil sa Bagyong Opong noong Setyembre 29, kung saan winasak ng baha at storm surge ang mga paaralan, tulay, at mahigit 1,000 bahay.
Apat sa mga biktima ay mula sa Maripipi Island matapos bumalik sa kanilang mga bahay kahit may babala ng bagyo.
Dalawang tulay ang hindi madaanan matapos ang pananalasa, bagama’t isa na ang muling binuksan.
Umabot sa 2,355 pamilya o 7,329 katao ang lumikas sa 78 evacuation centers. Binaha rin ang ilang paaralan at napuno ng putik at debris ang mga silid-aralan.
Sa Northern Samar, pinangunahan ni Governor Harris Christopher Ongchuan ang pamamahagi ng ayuda matapos masira ang 1,475 bahay.
Sa kabuuan, higit 27,000 katao o 7,575 pamilya sa Eastern Visayas ang naapektuhan. Patuloy ang pagpapanumbalik ng kuryente at clearing operations sa mga apektadong lugar. Santi Celario