MANILA, Philippines – Binabantayan ngayon ang isang bagong low-pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa state weather agency nitong Martes.
Nitong alas-8:00 ng umaga, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na ang LPA ay nasa 1,360 silangan ng Southeastern Luzon. Ito ay may katamtamang potensyal na maging tropical depression sa loob ng 24 na oras.
Nauna nang sinabi ng Pagasa na ang cloud clusters ay maaaring maging LPA na maaaring makaapekto sa hilagang Luzon. Kapag naging LPA na ito, may posibilidad itong maging tropical cyclone mula Setyembre 29 hanggang unang bahagi ng Oktubre.
Samantala, nagbabala ang Pagasa na ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay inaasahang makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa easterlies.
Ang Easterlies ay tumutukoy sa mga hangin na umiihip mula sa direksyong silangan, na nagdadala ng mainit at basang hangin mula sa Karagatang Pasipiko patungo sa Pilipinas. RNTMND