MANILA, Philippines – Bineberipika ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga ulat na maaaring may Pilipinong marino na nadamay sa pag-atake sa barkong kargamentong Minervagracht na may bandila ng Netherlands habang nasa Gulf of Aden nitong Lunes.
“Ayon sa mga ulat, ilang tripulante ang nasugatan at kinailangang ilikas, at may posibilidad na kabilang dito ang isang Pilipinong marino,” ayon sa DMW nitong Martes, sabay sabing nakikipag-ugnayan na ito sa ship operator, employer, manning agencies, DFA, at mga konsulado.
Unang ulat ay tinamaan ng hindi pa matukoy na pampasabog ang barko na nagdulot ng sunog at matinding pinsala. Kinumpirma ng may-ari ng barko na Spliethoff na dalawang crew ang nasugatan. Kabilang sa crew ang mga galing Pilipinas, Russia, Sri Lanka, at Ukraine.
Tiniyak ng DMW na kung makumpirma, agad itong magbibigay ng tulong gaya ng medikal na pangangalaga, repatriation, counseling, at legal aid.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na pinapalakas ng DMW ang proteksyon at pangangalaga para sa mga seafarer—lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib gaya ng Gulf of Aden,” dagdag ng ahensya. RNT