Nawasak ang Archdiocesan Shrine ng Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan, Cebu matapos ang malakas na lindol.
MANILA, Philippines – Idineklara ang Cebu province sa ilalim ng state of calamity nitong Miyerkules matapos ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City noong Martes ng gabi, na kumitil ng hindi bababa sa 32 katao at nakasugat ng marami.
Sa isang emergency online session, nagpasya ang Sangguniang Panlalawigan na magdeklara dahil sa lawak ng pinsala, na magpapabilis sa paglabas ng pondo para sa relief at recovery operations.
Ayon sa OCD, 147 ang sugatan — 119 mula sa Bogo City, 14 sa San Francisco, lima sa Tabuelan, lima sa Catmon, at apat sa Daanbantayan.
Kuhang larawan mula sa Bogo City ang nagpakita ng mga gumuho at napinsalang gusali, kalat na debris, at mga residenteng nagsilikas sa mas ligtas na lugar. Nasa full swing ang search, rescue, at relief efforts na pinangungunahan ng lokal at pambansang ahensya.
Iniulat ng PHIVOLCS na umabot na sa 379 aftershocks hanggang Miyerkules ng umaga, mula magnitude 1.4 hanggang 4.8. “Inaasahan natin na magkakaroon pa ng mga aftershocks in the next few days… sometimes the aftershocks last for several weeks,” ayon kay PHIVOLCS director Dr. Teresito Bacolcol.
Inatasan naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na maghatid ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad. RNT