Home NATIONWIDE 2 Pinoy marino, sugatan sa pag-atake sa barko sa Black Sea

2 Pinoy marino, sugatan sa pag-atake sa barko sa Black Sea

1
0

BULGARIA – Dalawang Pilipinong marino ang nasugatan matapos atakihin ang kanilang barko sa Black Sea malapit sa Bulgaria, habang ligtas namang nailigtas ang lahat ng 19 Filipino crew members, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Huwebes, Nobyembre 19, na minor injuries lamang ang tinamo ng dalawang marino at kasalukuyang ligtas ang buong tripulante.

Naganap ang insidente noong Martes, Nobyembre 17, nang tamaan ng mga projectile ang Liberian-flagged liquefied petroleum gas (LPG) tanker na Gas Husky habang naglalayag mula Egypt patungong Romania.

Ayon sa DMW, tumagilid ang barko matapos ang pag-atake, dahilan upang lumikas ang mga tripulante gamit ang life raft.

Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang Bulgarian military at nailigtas ang lahat ng 19 Pilipino sa pamamagitan ng helicopter.

Kasalukuyang nanunuluyan sa isang hotel sa Bulgaria ang mga marino habang inaayos ang kanilang repatriation sa Pilipinas.

Ayon kay Cacdac, nabigyan na ang mga tripulante ng pagkain, tubig, hygiene supplies at iba pang pangunahing pangangailangan.

Nabisita na rin sila ng Philippine labor attaché at nakikipag-ugnayan ang kanilang licensed manning agency at shipowner para sa karagdagang tulong.

Inihahanda na ng DMW ang pagpapauwi sa mga marino, ngunit kailangan munang makumpleto ang medical requirements at clearance mula sa mga awtoridad ng Bulgaria.

Iniutos din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng pinansyal at iba pang tulong sa mga apektadong tripulante.

Magkakaroon din sila ng psychosocial counseling at debriefing bago tulungang makahanap ng panibagong trabaho kapag handa na silang bumalik sa paglalayag.

Samantala, isinusulong ng DMW ang muling pagsusuri sa risk classification ng southwestern Black Sea upang matukoy kung dapat na itong isama sa mga high-risk o warlike maritime area.

Ayon kay Cacdac, lumalawak ang mga lugar na nagiging target ng pag-atake sa mga commercial vessel sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Hindi pa natutukoy ng mga awtoridad kung sino ang responsable sa pag-atake sa Gas Husky. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here