CHINA – Nagkaharap at nagpalitan ng pagbati sina Chinese President Xi Jinping, US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin sa Shenzhen, China, nitong Miyerkules, Nobyembre 18, bago ang kanilang kauna-unahang pormal na trilateral summit.
Naganap ang pagkikita sa welcome banquet para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, kung saan nagkamayan sina Trump at Putin habang nakatayo sa kanilang tabi si Xi.
Batay sa magkahiwalay na ulat ng Reuters at Agence France-Presse (AFP), nakatakdang magpulong ang tatlong lider ngayong Huwebes, Nobyembre 19, upang talakayin ang mahahalagang usapin sa pandaigdigang seguridad at relasyon ng kanilang mga bansa.
Kabilang sa mga posibleng pag-usapan ang nagpapatuloy na digmaan sa Ukraine at Iran, nuclear disarmament at mga usapin sa kalakalan.
Ayon kay Kremlin spokesperson Dmitry Peskov, humigit-kumulang isang oras lamang ang inilaan para sa trilateral meeting.
Bago ang pagtitipon, personal na sinalubong ni Xi si Trump sa Shenzhen Bao’an International Airport, kung saan sinalubong ang US leader ng mga sundalo, pagtugtog ng pambansang awit at pagpapalipad ng mga fighter jet.
Nauna ring nagkaroon ng hiwalay na pagpupulong sina Xi at Putin upang talakayin ang pagpapalakas ng ugnayan ng China at Russia.
Sa kanyang talumpati sa APEC, iginiit ni Putin na nabigo ang mga parusang pang-ekonomiya ng mga bansang Kanluranin laban sa Russia kaugnay ng pagsalakay nito sa Ukraine noong 2022.
Samantala, nagpahayag ng pag-asa ang Ukraine na gagamitin nina Trump at Xi ang kanilang impluwensya upang hikayatin ang Russia na wakasan ang digmaan.
Nangangamba naman ang ilang bansa na maaaring humantong ang pagpupulong sa mga kasunduang makaaapekto sa kanilang interes at sa balanse ng kapangyarihan sa mundo.
Dumating si Trump sa China mula sa Pilipinas, kung saan dumalo siya sa 49th ASEAN Summit at nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa MalacaƱang.
Nauna ring nagpahayag ang US leader ng posibilidad na makipagkita kay North Korean leader Kim Jong Un habang nasa China, ngunit wala pang kumpirmasyon mula sa Pyongyang.
Wala pang inilalabas na pinal na resulta o kasunduan mula sa nakatakdang trilateral summit ng tatlong lider. RNT