PANGASINAN – Patay ang isang 25-anyos na graduating college student matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang sport utility vehicle (SUV) na nagsasagawa ng U-turn sa Mangaldan, Pangasinan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang biktima sa Dagupan City nang mangyari ang aksidente.
Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo nang bumangga ito sa SUV na pa-U-turn.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang estudyante at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Kuwento ng mga magulang, nakasabay pa nilang mananghalian ang anak bago ito umalis ng bahay.
Inakala umano nilang nasa kuwarto lamang ang biktima, ngunit hindi nila alam na lumabas ito upang subukan ang motorsiklong may bagong ikinabit na piyesa.
Ayon sa pamilya, ilang beses umanong sinubukan ng estudyante ang motorsiklo upang mai-adjust ang bagong piyesa bago nangyari ang aksidente.
Samantala, wala pa umanong pag-uusap sa pagitan ng pamilya ng biktima at ng driver ng SUV.
Nanawagan ang pamilya ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa aksidente.
Wala pang inilalabas na pahayag ang driver ng SUV hinggil sa insidente. Mary Anne Sapico