Home METRO Bebot, patay sa pamamaril sa Taguig; 2 suspek arestado

Bebot, patay sa pamamaril sa Taguig; 2 suspek arestado

1
0

TAGUIG, Philippines – Patay ang isang 36-anyos na babae matapos pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa kanyang tahanan sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City, habang naaresto naman ang mga suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya.

Kinilala ang mga inaresto na sina alyas “Norlan,” 33, at “Khael,” 31, kapwa residente ng Barangay Upper Bicutan, Taguig City.

Ayon sa Taguig City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-11:40 ng gabi noong Lunes, Nobyembre 16, sa Tilapyahan Compound, Barangay Lower Bicutan.

Batay sa imbestigasyon, nakaupo ang biktimang si alyas “Sha-Hannie” sa may pintuan ng kanyang silid habang gumagamit ng cellphone at naninigarilyo nang dumating ang dalawang suspek na kapwa nakasuot ng helmet.

Walang habas umanong pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at nasawi.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Taguig City Police Sub-Station 12, katuwang ang Station Intelligence Section, Special Weapons and Tactics (SWAT) at Investigation and Detective Management Section.

Sa tulong ng mga CCTV footage, natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng dalawang suspek sa Upper Bicutan at tuluyang naaresto.

Narekober sa operasyon ang isang 9mm Rock Island pistol, mga damit na umano’y ginamit sa pamamaril, dalawang helmet na pinipinturahan, ilang piyesa ng motorsiklong binabago rin ang kulay, at isang improvised motorcycle plate number.

Isasailalim sa ballistic examination ang nakumpiskang baril upang matukoy kung ginamit ito sa pamamaril.

Kasalukuyang inihahanda ng mga imbestigador ang mga dokumento para sa inquest proceedings habang patuloy na inaalam ang motibo sa krimen.

Nasa kustodiya na ng Taguig City Police ang dalawang suspek.

James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here