Home HOME BANNER STORY Magsasaka, huli sa P14.6-M marijuana buy-bust sa Ifugao

Magsasaka, huli sa P14.6-M marijuana buy-bust sa Ifugao

1
0

BANAUE, Ifugao — Arestado ang isang 42-anyos na magsasaka matapos makumpiskahan ng tinatayang P14.64 milyong halaga ng hinihinalang marijuana sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Viewpoint sa bayang ito noong Martes ng gabi, Nobyembre 17.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Edmond,” residente ng Liwan West, Rizal, Kalinga.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera Administrative Region (PDEA-CAR), sakay ng pickup truck ang suspek nang dumating sa napagkasunduang lugar ng transaksyon.

Nasamsam sa sasakyan ang apat na sako na naglalaman ng 118 bloke at apat na tubular form ng hinihinalang pinatuyong dahon at namumulaklak na bahagi ng marijuana.

Tinatayang 122 kilo ang kabuuang timbang ng mga kontrabando na may standard drug price na P14,640,000.

Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang pickup truck na umano’y ginamit sa pagbibiyahe ng ilegal na droga.

Pinuri ni PDEA-CAR Regional Director Edgar Jubay ang mga operatibang nagsagawa ng buy-bust, na aniya’y malaking dagok sa ilegal na kalakalan ng droga sa rehiyon.

Binigyang-diin din ni Jubay ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga hangganan ng mga lalawigan at rehiyon upang mapigilan ang pagbibiyahe ng mga kontrabando.

Magkasanib na isinagawa ang operasyon ng PDEA Ifugao Provincial Office, PDEA Region 2-Nueva Vizcaya Provincial Office, Ifugao Police Provincial Office-Drug Enforcement Unit at Banaue Municipal Police Station.

Nasa kustodiya na ng PDEA-CAR ang suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng droga. Rey Velasco/Rolando Gamoso

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here