MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Martes na walong bidder ang lumahok sa bidding para sa Contract Package 1 (CP1) ng Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) Project.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na opisyal nitong binuksan ang price bid noong Setyembre 30, na live-streamed sa social media bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang transparency, public access, at accountability sa proseso ng bidding ng mga proyekto ng DPWH.
Sinabi ni Secretary Vince Dizon na ang mga bidder para sa CP1 ay:
Beijing Urban Construction Group Co. Ltd.
D.M. Consunji Inc.
China Harbour Engineering Company Ltd.
Sino Road and Bridge Group Co. Ltd.
EEI – PMI Joint Venture
POSCO E&C – Sta. Clara Joint Venture
China Wu Yi Co. Ltd. / Fujian Road & Bridge Construction Group Co. Ltd. (Consortium)
Hunan Road & Bridge Construction Group Ltd. and China Civil Engineering Construction Corporation Joint Venture
Isinagawa noong Mayo 20 sa DPWH Central Office sa Maynila ang pagsusumite ng bid at pagbubukas ng technical bid para sa proyekto.
Saklaw ng CP1 ang pagtatayo ng Bataan Land Approach, na may inaprubahang pagtatantya ng ahensya na P7.25 bilyon.
Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng istruktura ng package na ito ang trumpet interchange na nag-uugnay sa BCIB sa Roman Highway, Roman Interchange Bridge, Alas-Asin Main Bridge, Alas-Asin Overpass Bridge, Mt. View Overpass Bridge, Mt. View Waterway Bridge, at Bataan Land Viaduct.
Ang 32.15-kilometrong BCIB Project, na siyang magiging pinakamahabang tulay na tatawid sa tubig sa Pilipinas, ay isang flagship infrastructure initiative ng administrasyong Marcos na naglalayong makabuluhang bawasan ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng mga lalawigan ng Bataan at Cavite. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)