MANILA, Philippines – Limang planta ng kuryente at apat na transmission line ang nananatiling offline matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nitong Miyerkules.
Kabilang sa mga hindi pa rin gumagana ang Therma Visayas 1 at 2 sa Toledo City, Cebu; Bohol Diesel Power Plant 3; Panay Diesel Power Plant 3; at Unit 4 ng Power Barge 101 sa Iloilo, na may kabuuang kapasidad na 360.2 MW.
Apektado ring linya ang Daanbantayan-Tabango at Daanbantayan-Compostela 230KV lines, Tabango-Kananga 230KV Line 2, at Leyte-Luzon HVDC Line.
Ayon sa NGCP, naibalik na ang 85% ng Leyte-Samar sub-grid, habang normal na ang operasyon ng kuryente sa Panay, Negros, Cebu, at Bohol.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na nagtutulungan ang lahat ng energy stakeholders para pabilisin ang restoration efforts, na inuuna ang ospital, water stations, at iba pang mahahalagang pasilidad.
Naka-deploy din ang mobile generator sets para magbigay ng kuryente sa health centers, evacuation sites, at essential services habang nagpapatuloy ang pagkukumpuni. Santi Celario