MANILA, Philippines – Isang 17-anyos na dalagita sa Bogo City, Cebu ang nasawi habang sinusubukang iligtas ang kanyang ina at sanggol na kapatid sa gitna ng magnitude 6.9 na lindol, at kinikilala ngayon bilang isang bayani.
Kabilang siya sa 11 residente ng Sitio Felomin, Barangay Binabag na natabunan ng malalaking bato mula sa bundok nang tumama ang lindol.
Patuloy na nagluluksa ang mga pamilya ng biktima at humihingi ng tulong para sa pagpapalibing.
Isa pang ina, si Jecel Malinao, nawalan ng dalawang anak na edad 10 at lima matapos madaganan ng mga bato ang kanilang bahay, sa kabila ng kanyang pagsubok na sagipin sila.
Itinigil na ng mga awtoridad ang search and rescue operations matapos makumpirma ang kabuuang 73 nasawi sa pinakamalakas na lindol na naitala sa hilagang Cebu. RNT