MANILA, Philippines – KARGO ni Vice President Sara Duterte kung dadalo ito o hindi sa congressional budget hearings para sa budget ng Office of the Vice-President (OVP).
“Kung ‘yun po ‘yung gusto niyang gawin, kung ayaw niyang pumunta sa plenary debate, nasa kanya po iyan,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Kargo niya po, kargo niya po yan dahil iyan naman po ay Office of the Vice President at maraming umaasa mga tao diyan ng kanyang mga tauhan. Kung ayaw niyang pong pumunta, nasa kanya po ‘yan,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, humirit kasi si VP Sara ng dalawang kondisyon kapalit ng kanyang pagdalo sa House budget hearing.
Isa sa kondisyon ni VP Sara ay ang pagpapakita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kongreso para idepensa ang budget ng Office of the President (OP).
Habang ang pangalawa namang kondisyon ni VP Sara ay ang mag-produce ang House Appropriations Committee ng dokumento mula sa House Committee on Good Government na nagkukumpirma na ang immigration lookout bulletin orders laban sa pito niyang staff members ay binawi na.
Sa ulat, nahaharap ang OVP sa posibleng pagtapyas sa budget para sa pangalawang pagkakataon kasunod ng pagtanggi ni VP Sara na dumalo sa budget hearing.
Ang budget ng OVP para sa 2025 ay tinapyasan mula sa inisyal na panukalang halaga na P2.037 bilyon ay naging P733 milyon na lamang. Kris Jose