Home HOME BANNER STORY Panawagan ni Cayetano na ‘snap election’, tinabla ng Malakanyang

Panawagan ni Cayetano na ‘snap election’, tinabla ng Malakanyang

336
0

MANILA, Philippines – “It is just his wishful thinking.”

Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa naging panawagan ni Senador Alan Peter Cayetano sa lahat ng kasalukuyang opisyal ng gobyerno, mula sa Kongreso hanggang Malacañang, na sabay-sabay na magbitiw sa puwesto at magdaos ng snap election upang magluklok ng panibagong hanay ng mga lider.

Sinabi ni Castro na wala silang panahon at oras para pag-usapan ang pansariling hangarin ng isang tao.

“Abala ang Pangulo na magtrabaho para sa bayan at tulungan ang mga naapektuhan ng lindol at bagyo. Wala po siyang oras sa mga ganitong klaseng pamumulitika. Mag focus po tayong lahat sa pangangailangan ng mamamayan hindi sa mga pansariling interes lang,” ayon kay Castro.

Sa ulat, sinabi ni Cayetano na maaaring ito na lamang ang tanging paraan upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa mga political institutions ng bansa.

Ayon sa senador, ang sunod-sunod na isyu ng korapsyon na kinahaharap ng gobyerno ay sumira sa pundasyon ng pananampalataya ng taumbayan sa pamumuno, at ang tunay na pananagutan ay nangangailangan ng higit pa dapat sa mga salita mula sa mga opisyal.

Hirit pa ng mambabatas, wala dapat sa mga kasalukuyang opisyal ang dapat pahintulutang tumakbo muli.

Itinuturing ito ni Cayetano na isang “pambansang reset button” na magpapatunay na ang paglilingkod sa bayan ay hindi tungkol sa pansariling interes kundi sa tunay na pangangalaga sa tiwala ng mamamayan.

Ang pahayag ni Cayetano ay lumabas sa gitna ng muling pag-usbong ng galit ng publiko dahil sa mga kontrobersya ng korapsyon na kinasasangkutan ng ilang proyekto sa imprastraktura at maling paggamit ng pondo.

Wala pang opisyal na tugon mula sa Malacañang, ngunit ayon sa ilang kaalyado ng administrasyon, tinawag nila itong “political theater.”

Gayunman, may ilan ding nagsabing sumasalamin ito sa lumalaking pagkadismaya kahit sa loob ng gobyerno mismo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here