MANILA, Philippines – Arestado sa isang interdiction operation ng mga miyembro ng NAIA Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang dalawang customs representatives na umano’y nakumpiskahan ng halos ₱110M shabu sa NAIA Complex, Pasay City Lunes ng gabi, Oktubre 6.
Sa report ng NAIA-IADITG ay kinilala ang dalawang nadakip na suspek na sina alyas Glowin, 39, residente ng Abucay St, Manuguit, Tondo, Manila; at isang alyas Justine, 28, ng Brgy. Antonio Dolores, Quezon.
Base sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang pagdakip sa mga suspek bandang alas 7:55 ng gabi sa Pairpags Center, NAIA Complex, Pasay City.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong kulay puti na styro box na may tatak na X na naglalaman ng 16.150 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱109,820,000.
Nakuha din kay alyas Glowin ang kanyang driver’s license habang company ID ng Shela Mae Giganto Customs Brokerage ang kinuha naman kay alyas Justine.
Ang nakumpiskang ebidensya sa mga suspek ay dinala sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 ng RA 9165 ang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan