Home TOP STORIES Mas matibay na proteksyon sa BPO workers, pinasasabatas ni Villar

Mas matibay na proteksyon sa BPO workers, pinasasabatas ni Villar

129
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senadora Camille Villar ng Senate Bill No. 1401 o BPO Workers’ Welfare and Protection Act na layong palakasin ang mga patakaran para sa kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO) sector.

Ito ay kasunod ng ulat na ilang BPO employees sa Cebu ang pinilit umanong bumalik agad sa trabaho kahit may panganib pa matapos ang 6.9 magnitude na lindol.

“Walang manggagawa ang dapat mamili kung trabaho ba o kaligtasan ang kanilang pipiliin,” giit ni Villar, kasabay ng panawagan sa mabilis na pagpasa ng panukala.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumalangkas at magpatupad ng Occupational Health and Safety Standards (OHSS) na nakaayon sa rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO).

Kailangan ding magkaroon ang bawat kompanya ng Workplace Occupational Health and Safety (WOHS) policy na rerepasuhin taon-taon upang masiguro ang kahandaan sa anumang kalamidad o panganib.

Ipinagbabawal din ng panukala ang sobra-sobrang company bonds, fees, at anumang uri ng diskriminasyon batay sa lahi, kasarian, edad, relihiyon, kapansanan, o sexual orientation.

“Ang tunay na pag-unlad ay hindi lang nasusukat sa kita kundi sa pangangalaga ng dignidad at kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino,” pagtatapos ni Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here