MANILA, Philippines – Nagbigay abiso ang Manila Electric Company (Meralco) na maaaring tumaas ang singil sa kuryente ngayong Oktubre dahil sa inaasahang pagtaas ng generation charge.
Ayon kay Meralco vice president Joe Zaldarriaga, sanhi ito ng pagkahina ng piso laban sa dolyar, na nagpapataas sa halaga ng mga kontratang denominated sa dolyar ng kanilang mga supplier. Dagdag niya, hinihintay pa ng kompanya ang iba pang billings bago tuluyang maaprubahan ang bagong rate para sa buwan.
Noong nakaraang buwan, bumaba ng ₱0.1852 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kuryente, kaya naging ₱13.0851 per kWh ang kabuuang household rate.
“Umaasa kami na ang inaasahang pagtaas ay mababawasan dahil sa mas mababang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM),” ani Zaldarriaga.
Idinagdag niya na iaanunsyo ng Meralco ang opisyal na rate adjustment kapag nakumpleto na ang lahat ng billings at beripikasyon. Santi Celario