MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules na walang mangyayaring pagbabago sa pamunuan ng Senado bago ang adjournment ng sesyon sa Biyernes para sa Undas break.
Itinanggi ni Cayetano ang mga ulat na may resolusyong isinusulong para palitan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at sinabing walang katotohanan ito. “Wala… I don’t think so. I think birthday na handa ni Senator Escudero,” biro niya, sabay banggit na kaarawan ni Senator Chiz Escudero sa Oktubre 10.
Noong nakaraang buwan, pinalitan ni Sotto si Escudero bilang Senate president matapos ideklarang bakante ang puwesto nang walang tumutol. Sa kasalukuyan, may 15 miyembro ang majority bloc at siyam sa minority bloc na pinangungunahan ni Cayetano, kabilang ang mga kaalyado ng Duterte bloc.
Ayon kay Cayetano, wala silang aktibong panghihikayat sa ibang senador na lumipat. “Walang active courting ngayon, pero kung may sumama, so be it,” aniya.
Dagdag pa niya, parehong aktibo ang mga taga-suporta ng dalawang panig: “Alerto ang mga taga-suporta ni Senator Sotto para ‘di siya mapalitan, pero masigla rin ang aming mga taga-suporta dahil naniniwala silang may mabuti kaming magagawa.”
Nanindigan naman si Sotto na nananatili ang suporta ng karamihan ng mga senador sa kanya sa gitna ng mga usap-usapang may panibagong balasahan sa Senado. RNT