MANILA, Philippines – Sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi sapat ang pagbibitiw ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa Kamara, at dapat itong umuwi sa bansa upang harapin ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya.
“Resignation is not accountability. Ang nararapat sa taumbayan ay harapin niya ang musika—umuwi siya dito sa Pilipinas para sagutin ang lahat ng paratang sa kanya,” ani Tiangco.
Giit pa niya, hindi pwedeng si Co ang magtakda kung kailan siya babalik lalo’t may kasong inihain na ang ICI kaugnay ng umano’y 20–25% komisyon sa mga proyekto sa flood control.
“Sa pagbibitiw at pagtatago sa ibang bansa, hindi lang niya iniinsulto ang ating mga institusyon kundi pati ang sambayanang Pilipino. At kung hindi niya haharapin ang mga paratang, ito’y maaaring ituring na tahimik na pag-amin ng kasalanan,” dagdag ng kongresista. Jojo Rabulan