MANILA, Philippines – Patuloy ang pagsigla ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng Marcos administration at malinaw na indikasyon nito ang pagbaba ng unemployment rate, ayon kay Cavite Rep. Jolo Revilla.
Ang pahayag ay ginawa ni Revilla kasunud ng ipinalabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing nasa 3.9 percent ang unemployment rate sa bansa sa buwan ng Agosto na mababa sa 5.3 percent noong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Revilla, chairman ng House Committee on Labor and Employment, patuloy na lumalago ang ekonomiya ng bansa at gumaganda ang lagay ng labor market.
Ipinaliwang nito na sa pagbaba ng unemployment rate sa 3.9 % ay nangangahulugan na nasa 1.1 million Filipino ang nagkaroon ng trabaho, resulta umano ito ng mas malakas na investment.
“Habang bumababa ang bilang ng walang trabaho, kailangan din nating siguraduhin na dekalidad, ligtas, at may sapat na benepisyo ang mga trabaho. Hindi lang basta employment, kundi decent employment,” pahayag nito.
Tiniyak ni Revilla na patuloy ang pagsusulong nito ng welfare at equitable growth sa mga mangagawa sa pamamagitan ng pagwakas na sa endo o contractualization, ligtas na work spaces at tamang pasahod.
Kamakailan ay inanunsyo ni Revilla ang bagong wage order sa Calabarzon kung saan nagakroon ng ₱30 hanggang ₱60 daily wage increase sa mga minimum wage earners.
“Ang ating layunin ay hindi lamang dagdagan ang bilang ng may trabaho, kundi tulungan ang bawat manggagawa na umasenso. Kaya’t patuloy nating sinusuportahan ang mga sektor na lumilikha ng oportunidad—mula agrikultura hanggang teknolohiya,” paliwanag nito.
Maliban sa mga manggagawa ay tiniyak din ni Revilla ang suporta sa mga OIverseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa upang matulungan ito gaya ng pagkakaroon ng access sa AKSYON Fund, pagsasaayos sa repatriation at pagkakaroon ng mga reintegration programs. /Gail Mendoza