MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ng Pilipinas ang suportado ng Estados Unidos na kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng Israel at Hamas, na tinawag nitong “monumental step” tungo sa pagtatapos ng digmaan sa Gaza.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), umaasa ang bansa na magdudulot ito ng “pangmatagalang kapayapaan at katatagan” sa Gitnang Silangan, na tahanan ng halos dalawang milyong Pilipino at daanan ng libu-libong marino.
“We welcome this breakthrough and congratulate the peacemakers. The persistent diplomatic efforts by the mediators – the US, Qatar, Egypt, and Turkey – bringing about the necessary pause in the hostilities and securing the release of hostages,” pahayag ng DFA.
Batay sa kasunduan na inanunsyo ni US President Donald Trump, palalayain ng Hamas ang natitirang Israeli hostages sa Gaza kapalit ng pagpapalaya ng Israel sa libu-libong Palestinian prisoners, pag-atras ng mga tropang Israeli, at pagpasok ng kinakailangang tulong pantao sa Palestinian enclave.
“It represents a monumental step towards de-escalation and breathes fresh hopes for all those affected in the region, especially the hostages and the people in Gaza,” dagdag ng DFA.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang nanawagan sa Israel na itigil ang mga opensibang militar sa Gaza na kumitil na ng sampu-sampung libong sibilyan, kabilang ang mga kababaihan at bata, at nagdulot ng matinding krisis sa gutom.
Muling iginiit ng bansa ang suporta nito sa “two-State solution” bilang tanging diplomatikong paraan para makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Nagsimula ang sigalot noong Oktubre 7, 2023, nang lusubin ng Hamas-led militants ang katimugang bahagi ng Israel na ikinasawi ng humigit-kumulang 1,200 katao at pagkabihag ng mahigit 250.
Mula noon, higit 65,000 Palestinians na ang nasawi sa mga opensiba ng Israel, ayon sa Gaza health officials, na nag-udyok ng pagkondena mula sa maraming bansa, kabilang na ang France at United Kingdom na ngayo’y parehong kumikilala na sa Estado ng Palestine.
Nilagdaan ng Israel at Hamas sa Egypt nitong Huwebes ang unang yugto ng kasunduan, at inaasahang mapapalaya ang mga bihag sa Lunes o Martes, ayon kay Trump. RNT/JGC