MANILA, Philippines – Nagdeklara na ng state of calamity ang munisipalidad ng Manay sa Davao Oriental matapos yanigin ng dalawang lindol nitong Biyernes, Oktubre 10.
Ang unang lindol ay naitala umaga ng Biyernes na may magnitude 7.4, at sinundan ng magnitude 6.8 na lindol pagsapit ng gabi.
Magbibigay-daan ang deklarasyon ng state of calamity sa bayan para ma-access ang pondo para sa response at rehabilitation efforts.
Naapektuhan ng lindol ang lahat ng 17 barangay ng bayan at hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente.
Ayon kay Mayor Jon Marco Dayanghirang, kakailanganin nila ng tulong ng pamahalaan dahil sa lindol partikular na ang dami ng mga nasirang bahay at iba pang istruktura tulad ng mga tulay, government facilities at mga paaralan.
Kabilang sa mga napinsala ng lindol ay ang Manay District Hospital.
Dahil dito ay napilitan ang pamunuan ng ospital na gawing ward ang bakanteng lote para sa kaligtasan ng mga pasyente at tauhan nito.
Sa ulat, bumigay ang kisame ng emergency room at nagtamo rin ng malalaking pinsala ang ospital kasabay ng mga crack sa sahig at pader. Nabasag din ang mga salamin nito. RNT/JGC