MANILA, Philippines – Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Manay, Davao Oriental nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 11.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), tatlo ang nasawi sa Mati City, Davao Oriental, habang ang dalawang nasawi ay mula sa Pantukan, Davao de Oro.
Sa Davao City, nasawi ang 80-anyos na lolo matapos na tamaan ng bumagsak na pader sa Purok 3, Soliman, sa Barangay Tomas Monteverde, ayon sa Davao City Police Office (DCPO).
Nakaupo lamang umano ang matanda nang bumagsak ang pader sa kasagsagan ng lindol.
Kabilang sa nasawi sa Mati City ay ang 57-anyos na babae na nabagsakan din ng perimeter wall ng opisina sa likod ng boarding house kung saan ito tumutuloy.
Iniulat ng Mati City Information Office, na ang babae ay bumalik pa para kunin ang towel nito sa kasagsagan ng lindol. Habang siya ay tumatakbo ay biglang bumigay ang pader at nabagsakan ito.
Bukod sa mga nasawi, nagtamo rin ng matinding pinsala sa istruktuta ang maraming lugar sa Mindanao kasunod ng lindol.
Nasa 107,000 indibidwal ang naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hanggang nitong alas-6 ng gabi ng Biyernes, nasa 106,794 ang bilang ng mga apektado sa lindol. Nagrerepresenta ito sa 22,641 pamilya mula sa Davao Region at Caraga. RNT/JGC