MANILA, Philippines – Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Oktubre 10 na nais niya ng isang espesyal na dibisyon sa Sandiganbayan na maglilitis sa lahat ng mga kaso na may kaugnayan sa umano’y mga anomalya sa mga proyekto sa flood control.
Sa unang araw niya sa opisina, isiniwalat ni Remulla na makikipagpulong siya kay Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith Econg sa susunod na linggo para humingi ng “continuous trial” sa mga flood control projects-related cases at tiyaking walang pagkaantala sa paglilitis sa mga kasong ito na itinuring niyang “complicated” na mga kaso.
Ngunit iginiit ni Remulla na nais niyang plantsahin muna ang mga nakabinbing kaso sa Ombudsman bago magsampa ng sakdal laban sa mga sangkot na personalidad na karamihan ay mga matataas na inhinyero mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kontratista, kabilang ang pinakakilalang si Cezarah “Sarah” Discaya.
Nagsampa si Public Works Secretary Vince Dizon ng graft at malversation sa pamamagitan ng falsification charges noong nakaraang buwan laban sa mga inhinyero ng DPWH at mga kontratista sa mga maling proyekto sa first district engineering office sa Bulacan.
Inirekomenda rin ng National Bureau of Investigation ang parehong kaso ngunit kabilang ang indirect bribery.
Sinabi ni Remulla, ang dating justice secretary, na karamihan sa mga kasong irerekomenda ng NBI ay pagtitibayin depende sa bigat nito at kung gaano ito kabilis maproseso. Jocelyn Tabangcura-Domenden