MANILA, Philippines – Patuloy ang pagyanig sa paligid ng Bulkang Taal sa Batangas matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 20 volcanic earthquakes sa loob ng 24 oras, ayon sa ulat nitong Sabado, Oktubre 11.
Tumaas ito mula sa 11 lindol na naitala noong nakaraang araw, batay sa pinakahuling PHIVOLCS bulletin.
Namataan din ng ahensya ang “voluminous emission” ng makapal na singaw mula sa main crater na umabot sa taas na 2,100 metro bago kumalat sa tatlong direksyon.
Ayon sa PHIVOLCS, nakapagtala ang bulkan ng average na 1,829 metric tons ng sulfur dioxide emissions kada araw mula Setyembre 30.
Mula Oktubre 1 hanggang 11, umabot na sa 109 volcanic earthquakes at apat na tremor episodes ang naitala.
Sa buwan ng Setyembre, nasa 189 lindol at 129 tremors ang nai-record. Ang apat na tremors ngayong buwan ay kaugnay ng dalawang phreatic eruptions noong Oktubre 2.
Paliwanag ng PHIVOLCS, ang volcanic earthquakes ay dulot ng paggalaw ng magma o iba pang magmatic processes sa ilalim ng bulkan, habang ang tremors ay tuloy-tuloy na seismic signals na may mababang frequency.
Sa pinakahuling obserbasyon, walang naitalang pag-akyat ng magma sa crater lake ng Taal Volcano Island (TVI) at wala ring volcanic smog (vog) na namataan.
Nanatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang may mababang antas ng volcanic unrest. RNT/JGC