MAKATI CITY, Philippines – Ibinunyag ng Ethics Committee ng Sangguniang Panlungsod ng Makati ang umano’y pamemeke ng opisyal ng dokumento ng minority bloc kabilang ang pagpapalit ng mga pahina ng mga draft ordinance.
Kinilala ang mga sangkot na sina Konsehal Rolando Duka Alvarez Jr., Atty. Dindo Cervantes (Chief of Staff ni Vice Mayor Kid Peña), at isang kawani na si Ms. Alerama.
Ayon sa komite, ginamit ng mga nasabing indibidwal ang “ante-dated receiving stamps” at pinalitan ang ilang bahagi ng mga ordinansa para magmukhang lehitimo ang mga ito. Inulit din ang mga lumang pahina ng pirma, na tinawag na “malinaw na paglabag” sa alituntunin ng konseho at posibleng krimen sa ilalim ng Revised Penal Code.
Nagsimula ang iskandalo noong Setyembre 12, 2025, nang maghain ang minority bloc ng limang draft ordinance. Subalit, napansin ni Majority Floor Leader Konsehal Dino Imperial ang mga di-pangkaraniwang pagbabago sa mga dokumento, kabilang ang pag-iba sa mga insentibo at teknikal na detalye nang walang pormal na pag-uusap.
Lumabas sa imbestigasyon na noong Setyembre 15, nalinlang ang mga kawani ng Office of the Secretary to the Sangguniang Panlungsod (OSSP) sina Poliran at Gigante nang palitan ang orihinal na kopya ng pekeng bersyon, gamit ang parehong petsa ng receiving stamp at mga pahina na may pirma.
“Planadong panlilinlang ito. Hindi maaaring tanggapin ang dahilan ng ‘good faith’ dahil kitang-kita ang intensyong mandaya,” giit ng komite.
Noong Setyembre 24, kinumpirma ng OSSP Secretary na peke ang naisumiteng dokumento, na nagtulak kay Imperial na tukuyin ito bilang “krimen sa ilalim ng falsification of public documents.”
Sa pagdinig noong Setyembre 29, inamin ng mga saksi ang pagpapalit ng mga pahina. Noong Oktubre 8, opisyal nang inaprubahan ng konseho ang rekomendasyong kasuhan ang tatlo at pilitin silang magbitiw.
Binigyang-diin ng ulat ang pangangailangang protektahan ang integridad ng mga opisyal na tala at ang institusyon ng Sanggunian. Ang pagkakasangkot ni Cervantes, na Chief of Staff ni Vice Mayor Peña, ay nagdulot ng pagdududa sa sinasabing “neutralidad” ng bise alkalde. RNT