BULACAN, Philippines – Mariing ipinatutupad ng kapulisan ang mga ordinansang nagbabawal sa mga indibiduwal na nakahubad at nagbibisyo ng sigarilyo o nagyoyosi sa publiko sa lungsod ng Malolos.
Alinsunod sa City Ordinance No. 26-2018 na nagbabawal sa mga indibiduwal na walang suot na pang-itaas na damit o tinatawag na “half naked” sa mga pampublikong lugar ng lungsod.
Ganoon din ang pagbabawal sa paninigarilyo sa kaparehong lugar sa ilalim ng City Ordinance No. 19-2023, ayon na rin sa report.
Layunin ng sunod-sunod na operasyon ng kapulisan kontra sa nakahubad ang mapanatili ang kaayusan, disiplina, dignidad sa komunidad habang mapangalagaan din ang kalusugan ng publiko partikular na ang mga kabataan, matatanda at mga may karamdaman laban sa masamang epekto sa secondhand smoke.
Sinasabing masusing ininspeksyon ng kapulisan laban sa mga nakahubad na nagyoyosi pa sa pampublikong lugar gaya ng palengke, terminal, plaza, istasyon ng pampasaherong sasakyan at iba pang matataong lugar ng lungsod.
Hinihikayat ng kapulisan ang publiko na sumunod sa ordinansa na may kaukulang parusa sa lalabag at makiisa sa adbokasiyang ito para sa kapakanan ng buong komunidad. (Dick Mirasol III)