MANILA, Philippines – Idinaos ang anti-corruption protest sa labas ng isang exclusive village sa Makati City sa magdamag.
Ang kilos-protesta ay isinagawa sa harap ng Antonio Arnaiz gate ng Dasmariñas Village.
Ipinanawagan ng mga raliyista na hindi dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan ang administrasyong Marcos sa korapsyon na nangyayari sa pamahalaan.
Nanawagan din siya sa mga plunderer na ibalik ang kanilang mga kinuha sa pondo ng bayan.
Bago rito ay nagmartsa ang mga raliyista mula Maynila patungong Makati City.
Ayon kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, araw-araw silang magdaraos ng rally sa harap ng mga subdivision.
“Ngayon sila naman ‘yung makakaramdam ng feeling na ‘yung kalaban nila na naghahanap ng hustisya ay nasa labas ng mga gates nila,” ani Barzaga.
Nanawagan din ito na dapat nang magbitiw sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“We all thought he would make things better but things are not better… Sobrang daming nawalan ng tiwala sa kanya,” sinabi pa ni Barzaga.
Dumating naman ang mga pulis sa protest area bagamat kusang umalis ang mga raliyista bandang alas-2 ng madaling araw matapos umulan.
Nanatili naman sa lugar ang nasa 50 protester.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), humigit kumulang 200 pulis ang ipinakalat nila sa lugar at ang mga raliyistang dumalo ay nasa 200 naman.
“We are observing maximum tolerance but the problem is wala namang humaharap na organizer,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Robert Baesa, Southern Police District acting deputy district director for operations.
“We are trying to prevent them from getting close to the gate. Kasi private property ito eh. Anyway nailabas naman nila yung kanilang hinanaing eh,” dagdag pa niya.
Nagsagawa naman ng prayer vigil ang mga natirang raliyista bandang alas-3 ng umaga at umalis na bago mag-alas-4. RNT/JGC