MANILA, Philippines – Karamihan sa mga Filipino ay kritikal sa mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapahupa ng inflation at paglaban sa korapsyon, ayon sa Pulse Asia survey na inilabas nitong Lunes, Oktubre 13.
Sa 1,200 adults na sinurvey noong Setyembre, 64% ang nagsabing kritikal sila sa paghawak ng administrasyon sa usapin ng inflation, habang 69% ang nagsabing kritikal sila sa paglaban ng pamahalaan sa graft and corruption sa pamahalaan.
Nanguna ang inflation at korapsyon sa listahan ng ‘urgent national concerns’ ng mga Filipino sa kaparehong survey, na may 54 at 51 percent.
Ang survey ay isinagawa ilang araw matapos ang pagdaos ng malawakang kilos-protesta dahil sa mga korapsyon sa flood control projects.
Samantala, nakita rin sa kaparehong survey na kritikal din ang mga Filipino sa paghawak ng administrasyon sa poverty reduction sa 57 percent at illegal drug crackdown sa 61 percent.
Idinagdag pa na ang administrasyon ay nakapagtala ng “big plurality disapproval ratings” sa mga isyu ng sahod ng mga manggagawa sa 42 percent, involuntary hunger sa 43 percent at kriminalidad sa 44 percent.
Samantala, “small majority of Filipino adults” o 58 percent ang may positibong opinyon sa hakbang ng pamahalaan sa kapakanan ng mga OFW.
Ang appreciation ang itinuturing na “plurality sentiment” sa pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng calamity-hit areas (46 percent), defending national territorial integrity (43 percent), at pagtulong sa mga magsasaka (39 percent). RNT/JGC