MANILA, Philippines – Sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna ang lahat ng face-to-face classes sa pampubliko at pribadong paaralan mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 31, 2025, bilang pag-iingat sa posibleng paggalaw ng West Valley Fault.
Ayon kay Governor Sol Aragones, ang desisyon ay bunga ng konsultasyon sa disaster management teams at pagsusuri sa mga datos kaugnay ng fault line.
“Kinausap din po natin ang ating disaster team para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan, hindi lamang ng mga estudyante kundi ng lahat dito sa Laguna,” pahayag ni Aragones sa isang Facebook Live broadcast.
Binigyang-diin niya na kaligtasan ng mga estudyante ang pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan.
“Ang mga araw na walang klase ay puwedeng habulin, pero ang buhay ng tao ay isa lang at hindi na maibabalik. May nakaambang panganib at kailangan nating maging handa,” ani ng gobernadora.
Habang suspendido ang in-person classes, magsasagawa ang mga paaralan ng alternative learning modes gaya ng online at modular classes.
Hinimok din ng mga awtoridad ang mga residente na pag-ibayuhin ang paghahanda sa posibleng malakas na lindol at ipasuri ang mga gusali ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan.
“Even if nothing happens, this is an opportunity to remain ready. Safety comes first, especially for our students,” dagdag ni Aragones.
Samantala, nilinaw ni PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol na walang direktang koneksyon ang mga naitalang lindol sa ibang bahagi ng bansa sa West Valley Fault, na dumadaan sa Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, at Laguna. RNT