MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Health sa publiko na walang dahilan para mataranta sa mga kamakailang naiulat na kaso ng influenza-like illness (ILI) sa bansa.
Sinabi ni DOH spokesperson Albert Domingo na ang bilang ng kaso ng ILI na naitala nitong mga nakaraang buwan ay nananatiling mas mababa kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, na nagpapahiwatig na ang sitwasyon ay under control.
Nabanggit ni Domingo na ang DOH ay nakapagtala ng 121,716 kaso mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.
Ang bilang na ito ay 8 porsiyentong mas mababa kumpara sa 135,538 kaso na iniulat sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag din ni Domingo na ang desisyon ng Department of Education (DepEd) na suspendihin ang face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa buong National Capital Region (NCR) noong Lunes at Martes ay isang pag-iingat upang makatulong na maiwasan ang posibleng pagkalat ng mga sakit.
Inihayag ng DepEd–NCR ang pansamantalang pagsususpinde upang bigyang-daan ang pagdidisimpekta, sanitasyon, at inspeksyon ng mga gusali sa mga paaralan.
Ang hakbang ay kasunod ng sunud-sunod na lindol at isang naiulat na pagtaas ng mga sintomas tulad ng trangkaso sa mga estudyante at kawani.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa good hygiene practices, panatilihin ang kalinisan sa bahay at sa mga paaralan, at magpabakuna laban sa trangkaso kung kinakailangan.
Sinabi ng DOH na patuloy nitong susubaybayan ang mga kaso ng trangkaso at iba pang mga respiratory illnesses sa buong bansa at tiniyak na ang mga pasilidad pangkalusugan ay handang tumugon kung tumaas ang mga kaso. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)