MANILA, Philippines – Bukas ang administrasyong Marcos sa mga hakbang para mabawi ang mga ninakaw na pondo ng bayan, ayon sa Malacañang nitong Lunes, bilang tugon sa panukalang “retribution plus restitution” ni Senador Panfilo Lacson.
Sa mungkahi ni Lacson, ang mga sangkot sa anomalya sa mga flood control at infrastructure projects ay maaaring bigyan ng maikling sentensiya kapalit ng pagbabalik ng hindi bababa sa 80% ng ninakaw na pera sa gobyerno.
“May kapangyarihan ang Pangulo sa executive clemency, kabilang ang commutation of sentence at conditional pardon kung natupad ang mga kondisyon,” paliwanag ni Press Officer Usec. Claire Castro.
“Sa ngayon, lahat ng magagandang suhestiyon para mabawi ang nakaw na pondo ng bayan at mapanagot ang mga dapat managot ay bukas sa Pangulo at sa administrasyon,” dagdag pa niya.
Ayon kay Lacson, maaaring mabawi ng gobyerno ang humigit-kumulang ₱26 bilyon mula sa tinatayang ₱629-bilyong “ghost” flood control projects sa pagitan ng 2023 at 2025, depende sa political will ng mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon gaya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), Office of the Ombudsman, at Department of Justice (DOJ).
Iminungkahi rin ni Lacson na habulin ang mga insurance company na sangkot sa mga kuwestiyonableng proyekto upang madagdagan ang mababawi ng pamahalaan. RNT