Home HOME BANNER STORY Union Dam sa Cagayan, pinasinayaan ni PBMM

Union Dam sa Cagayan, pinasinayaan ni PBMM

315
0

CLAVERIA, Cagayan — Pormal nang pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Union Water Impounding Dam sa Barangay Union, Claveria, Cagayan.

Ang nasabing proyekto ay isang convergence project ng National Irrigation Administration (NIA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kabuuang ₱750 milyon ang halaga ng proyekto, kung saan ₱500 milyon ay inilaan sa water impounding dam na pinondohan ng DPWH, habang ₱250 milyon naman ay para sa irrigation component mula sa NIA.

Ipinagmalaki ni Pangulong Marcos na ang proyekto ay naumpisahan noong Setyembre 14, 2023 at natapos nitong Enero 5, 2025, sa panahon ng kanyang administrasyon.

Tinatayang 1,050 ektarya ng lupang sakahan ang mapapatubigan ng proyekto, kung saan nasa 1,017 magsasaka mula sa bayan ng Claveria ang makikinabang sa naturang irrigation system.

Ayon kay NIA Administrator Engr. Eduardo “Eddie” Guillen, ang orihinal na layunin ng proyekto ay flood control upang maiwasan ang pagbaha kapag tumataas ang antas ng tubig sa ilog. Gayunman, nilagyan ito ng irrigation intake o kanal upang mapakinabangan ng mga magsasaka ang tubig na naiipon mula sa kabundukan.

Bagamat maraming pasyalan sa bayan ng Claveria, ipinagmamalaki rin ni Mayor Lucille Angelus Guillen-Yapo na nagsisilbing tourist attraction ang naturang sedimentation control dam.

Ipinagmalaki ni Engr. Guillen na sa halos dalawang taon ay sulit na ang ginastos sa pagpapatayo ng nasabing dam dahil sa karagdagang kita ng mga magsasaka, na nakatutulong upang maiahon sila sa kahirapan.

Samantala, kasama rin sa pagpapasinaya sina Gov. Edgar Aglipay, NIA Region 02 Regional Manager Engr. Raymundo B. Apil, at iba pang opisyal ng nasabing mga ahensya ng pamahalaan. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here