MANILA, Philippines — Inatasan ng Malacañang si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na magpaliwanag hinggil sa ₱168-milyong halaga ng body cameras na binili ng ahensya, kung saan halos ₱879,000 ang halaga ng bawat isa.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, nalaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu at kinausap mismo si Santiago.
Paliwanag umano ni Santiago, hindi dapat hatiin ang kabuuang halaga batay lamang sa bilang ng camera dahil kasama rito ang nationwide connectivity, servers, software, training, at system integration.
Pinagpapaliwanag din siya ng Department of Transportation at inutos ang paghahanda ng COA reports para sa pagsusuri.
Samantala, ia-auction ng Bureau of Customs ang ₱106 milyong halaga ng nakumpiskang produkto, kabilang ang sasakyan, materyales sa industriya, at mga produktong petrolyo. RNT