MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng Taiwan nitong Martes ang panibagong “mapanganib na hakbang” ng China laban sa mga barko ng pamahalaang Pilipino malapit sa Pag-asa Island, na tinawag nitong banta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
“The PRC’s repeated and dangerous maneuvers against Filipino vessels undermine regional peace and security,” ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan.
Noong Linggo, ginamitan ng malalakas na water cannon at binangga ng Chinese Coast Guard ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mga 1.6 nautical miles mula sa Pag-asa Island, ayon sa Philippine Coast Guard. Walang nasaktan, ngunit nagkaroon ng bahagyang pinsala ang barko.
Iginiit ng China na “pumasok” ang Pilipinas sa kanilang teritoryo malapit sa Sandy Cay, at sinabi nilang “legal at propesyonal” ang kanilang operasyon.
Binigyang-diin ng Taiwan na dapat lutasin ang mga sigalot sa dagat sa mapayapang paraan, alinsunod sa international law at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kasama ng Estados Unidos, Japan, Australia, New Zealand, at European Union, nanawagan din ang Taiwan laban sa mga aksyon ng China at ipinahayag ang suporta sa Pilipinas.
Bagaman walang diplomatikong ugnayan ang Maynila at Taipei, nagpapatuloy ang kanilang kalakalan at people-to-people ties sa ilalim ng One China Policy. RNT