MANILA, Philippines – Sampung kalalakihan, kabilang ang apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, ang inaresto matapos mahuli sa akto ng pulisya na nagsusugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Alas-12:30 ng tanghali nang maaktuhan ng mga tauhan ng Gen. T. De Leon Police Sub-Station 2 ang dalawang lalaki na naglalaro ng cara y cruz sa harap ng Serapio Elementary School, Brgy. Gen. T. De Leon.
Nakumpiska sa kanila ang bet money at tatlong peso coins na “pangara,” habang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakuha kay alyas “Bert,” 48.
Huli rin sa akto ng mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station 7 ang tatlong kalalakihang nagsusugal ng cara y cruz sa Casa Rival, Northville 1, Brgy. Bignay dakong alas-9:00 ng umaga. Nasamsam sa kanila ang bet money, tatlong peso coins na “pangara,” at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Menar,” 35.
Bandang alas-9:45 ng umaga, nadakip naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang tatlong indibidwal habang nagsusugal din ng cara y cruz sa bakanteng lote sa Area 5, Pinalagad, Brgy. Malinta. Nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peso coins na “pangara,” at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam kay alyas “Pat.”
Samantala, sa Brgy. Paso de Blas, naaktuhan ng mga tauhan ni Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Michael Oxina ang dalawang lalaki na nagsusugal ng baraha sa Jasmin Street dakong alas-10:45 ng gabi. Nakumpiska sa kanila ang bet money, baraha, at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Ger.”
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602, habang karagdagang kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng apat sa kanila. (Merly Duero)