MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City Police sa ikinasang buy-bust operation ang isang high-value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱6.8 milyon halaga ng shabu nitong Martes ng umaga, Oktubre 14.
Sa report na isinumite ng Parañaque City Police kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Randy Arceo, nakilala ang nadakip na suspek na si alyas Salvador, 30, residente ng Barangay San Isidro, Parañaque City.
Batay sa imbestigasyon ng Parañaque City Police, naganap ang pagdakip sa suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng SDEU bandang alas-5:15 ng umaga sa Valley 6, Barangay San Isidro, Parañaque City.
Ayon sa SPD chief, sa naturang operasyon ay nakuhanan ang suspek ng 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000. Sa patuloy na inspeksyon kay alyas Salvador, nadiskubre pa sa kanyang posisyon ang lima pang plastic sachet na may timbang na 950 gramo ng shabu (₱6,460,000), kaya’t ang kabuuang nakumpiskang shabu ay umabot sa halagang ₱6,800,000.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din sa suspek ang isang kulay itim na timbangan, kulay berdeng eco bag, kulay brown na paper bag, at ang ₱1,000 buy-bust money na kasama ng 49 piraso ng tig-₱1,000 boodle money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at kasalukuyang nakapiit sa SDEU custodial facility.
“This operation proves the Southern Police District’s firm resolve to dismantle drug networks endangering our communities. With intelligence-led policing and strong public cooperation, we turn determination into decisive action,” ani Arceo. (James I. Catapusan)