SEOUL, South Korea – Ipinagbawal ng South Korea ang pagbiyahe ng kanilang mga mamamayan sa ilang bahagi ng Cambodia matapos tumaas ang mga kaso ng detention at fraudulent employment na may kaugnayan sa mga sindikatong nagpapatakbo ng online scam compounds.
Inilabas ng South Korean foreign ministry ang “code-black” travel ban, ang pinakamataas na antas ng babala na sumasaklaw sa mga lugar ng Poipet at Kampot, habang pinayuhan din ang mga mamamayan na lumikas sa Sihanoukville.
Pinangunahan ni Vice Foreign Minister Kim Jina ang grupo ng mga opisyal na ipinadala sa Cambodia upang hanapin ang mga Koreanong naloko at mapalaya ang mga ikinulong laban sa kanilang kagustuhan, ayon kay National Security Adviser Wi Sung-lac.
Tinatayang mahigit 1,000 South Koreans ang kabilang sa halos 200,000 katao ng iba’t ibang nasyonalidad na sangkot o biktima ng scam operations sa Cambodia, batay sa ulat ni Wi.
Ayon sa United Nations, ang mga scam center na lumaganap sa Southeast Asia mula noong pandemya ay kumikita ng bilyun-bilyong dolyar kada taon mula sa mga biktimang naloloko sa pamamagitan ng online at telepono.
Ang hakbang ng Seoul ay kasunod ng pagkamatay ng isang South Korean student na nadaya ng sindikato at napilitang magtrabaho sa scam compound, kung saan umano siya pinahirapan hanggang mamatay.
Noong nakaraang linggo, ipinatawag ng South Korea ang Cambodian ambassador upang magpaliwanag hinggil sa insidente at sa pagkakakulong ng ilang mamamayan nito ng mga cybercrime gang.
Samantala, itinanggi ng Cambodian government ang umano’y pagkukulang sa aksyon at sinabing “pinalabis” ng Amnesty International ang ulat na nagsasabing may pattern of state failures na nagbigay-daan sa paglago ng multi-bilyong dolyar na krimen.
Ayon sa mga awtoridad ng South Korea, mahigit 300 kaso ng nawawalang mamamayan sa Cambodia ang kanilang tinutugunan ngayong taon, at 80% sa mga ito ay nalutas na.
Patuloy ang koordinasyon ng dalawang bansa upang maibalik sa South Korea ang hindi bababa sa 60 katao na nasagip ng Cambodian authorities mula Hulyo. RNT/JGC