QUEZON CITY, Philippines – Nagtala ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) ng 67 porsiyentong pagtaas ng influenza-like illness (ILI) na may kabuuang 2,070 kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Oktubre 13, 2025, kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Sinabi ng mga awtoridad sa kalusugan na ang mga batang may edad na 14 pababa ang pinaka-apektado, na umaabot sa 1,348 ng kabuuang mga kaso.
Hinihimok ng pamahalaang lungsod ang mga residente na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga preventive health measures upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng sakit.
Upang maiwasan ang pagkalat ng trangkaso, pinaalalahanan ng QCESD ang publiko na palagiang maghugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig, magsuot ng face mask o magtakip ng bibig lalo na kung inuubo at sinisipon, kumain ng masustansyang pagkain, palaging uminom ng tubig upang lumakas ang resistensya, matulog ng hustong oras, at manatili na lamang sa bahay kung masama ang pakiramdam upang hindi na makahawa pa ng iba.
Pinayuhan din ang publiko na magpakonsulta sa pinaka malapit na health center kung nakakaramdam ng mga sintomas.
Pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang publiko na ang pagpapanatili ng kalinisan, malusog na pamumuhay, at maagang medikal na konsultasyon ay makakatulong na mapanatiling ligtas ang mga pamilya mula sa sakit. RNT/MND