Home TOP STORIES Transparency sa DPWH budget ipinanawagan ni Tiangco sa HCA

Transparency sa DPWH budget ipinanawagan ni Tiangco sa HCA

220
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Navotas Congressman Toby Tiangco sa House Committee on Appropriations na ilathala sa opisyal na website ng House of Representatives ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inilaan sa mga proyektong inendorso ng mga party-list representatives.

Ayon kay Tiangco, layunin nito ang ganap na transparency at maiwasan ang umano’y fund manipulation scheme, tulad ng naging kaso kay dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co.

“Halimbawa, sa 2025 budget, ang daming project na ininsert ni Zaldy Co na hindi naman nire-request ng kinatawan ng distrito,” ani Tiangco.

Binigyang-diin niya na lahat ng pondo ay dapat masubaybayan at magamit sa publiko.

“Mahalagang makita ng taumbayan kung sino ang proponent ng project para malinaw, at kung alam ba ito ng district representative para walang turuan kapag may problema na ang project,” dagdag niya.

Nauna na ring nanawagan si Tiangco na mailathala ang kabuuang budget ng DPWH bawat distrito sa ilalim ng 2026 House General Appropriations Bill (HGAB). Ayon sa kanya, ang pagsasapubliko ng mga alokasyon ay magpapakita na ang mga mambabatas ay walang itinatago at ang pondo ay naipamahagi nang maayos.

Tinukoy din ng mambabatas ang kanyang matagal na laban sa “small committee” insertions, at pagboto ng “Yes” sa 2026 HGAB matapos mapagtibay ang repormang nagpapahintulot sa plenary review ng individual amendments.

“Kung may transparency sa lahat ng distrito at pati sa party-list allocations, mawawala ang espasyo para sa mga ‘Zaldy Co schemes’ na nagiging dahilan ng pagkawala ng tiwala ng taumbayan sa mga proyekto ng gobyerno,” pagtatapos ni Tiangco.

Ang panawagan ni Tiangco ay nakatuon sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at pagpigil sa pagmamanipula sa mga proyektong imprastraktura na pinondohan ng gobyerno. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here