Home HOME BANNER STORY “Red notice” hiniling ng NBI sa Interpol vs Garma

“Red notice” hiniling ng NBI sa Interpol vs Garma

272
0

MANILA, Philippines – Hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI) sa International Criminal Police Organization (Interpol) na maglabas ng “red notice” laban kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma.

Ang “red notice” ng Interpol ay isang kahilingan sa pagpapatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.

Sinabi ni NBI Director Jaime B. Santiago na humingi ng tulong sa Interpol ang bureau matapos maglabas ang Mandaluyong City Regional Trial Court (RTC) Branch 279 ng utos na may petsang Oktubre 15 na pumayag sa mosyon ng prosekusyon na kanselahin ang mga pasaporte at mag-isyu ng hold departure orders (HDOs) laban kay Garma at sa kanyang mga kapwa akusado.

Nahaharap si Garma at kapwa akusado sa kasong murder at frustrated murder sa RTC sa pagpatay kay PCSO board secretary at retired police general Wesley Barayuga noong 2020 at para sa mga pinsalang natamo ng driver ng biktima na si Jun Gunao.

Sumuko na sa NBI ang dalawa sa kanyang kapwa akusado — sina Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza at ang dismiss na pulis na si Nelson Enriquez Mariano.

Ang iba pang akusado sa kaso ay sina retired police colonel at dating National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Edilberto Leonardo, at Jeremy Causapin.

Bumalik si Garma sa Pilipinas noong Setyembre 6 matapos tanggihan ng asylum sa Estados Unidos ngunit umalis patungong Malaysia noong Setyembre 7 upang makipag-usap sa International Criminal Court (ICC) bilang saksi laban kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands sa mga kasong crime against humanity.

Ikinatuwa naman ni DOJ Prosecutor General Richard Anthony A. Fadullon ang hakbang na ginawa ng RTC. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here